Isang Milyong Pag-Ibig – Kabanata 4
“High blood ka naman pala agad, eh!” ani Betty na nakairap kay Rando. “Relaks ka lang. Alam mo, sa pag-ibig ang lahat ay pantay-pantay. Sabi nga sa wikang English, “May the best man win!” Kung dadaanin mo sa buntalan, tiyak na ikaw ang talo sa bandang huli. Dapat sport ang labanan.”
“Pero kung ayaw kong me ibang lumigaw kay Emmalyn?”
“Rando, ako lamang ang may karapatang magsabi niyan.” yamot na si Emmalyn. “Kung ayaw kong magpaligaw sa iyo o kanino mang Ponsiyo Pilato, ako ang masusunod!”
“Ayan, galit na si Emmy!”
“Ini-express ko lang ang totoong feelings ko.” katuwiran ni Rando.
“Ako man ay may karapatang ding i-express angfeelings ko.” wala na ang ngiti sa mga labi ni Emmalyn. “At sinasabi ko sa iyo ngayon pa lamang na walang sinuman na maaaring magdikta sa akin. Kung ayaw kong magpaligaw, wala kang magagawa!”
“Huwag ka namang magalit, Emmy. Nagpapa-liwanag lang tayo.”
“Mabuti na nga at hanggang maaga ay alam mo! Hindi na ako iibig! Ayoko nang umibig! Matagal nang patay ang puso ko! Kaya tinitiyak ko sa iyo na nag-aaksaya ka lang ng panahon!”
“Emmy, huwag ka namang magalit sa akin…”
“Hindi ako galit. Tinatapat lang kita. Kawawa ka kung paaasahin kita sa wala.”
“Rando… Emmy… mabuti pa’y ihinto na ninyo ang ganyang usapan. Negative. Oo, negative ang nadarama kong vibrations. Mauuwi ang lahat sa hindi maganda.”
Tamang-tama namang nakarating na sila sa tapat ng gate nina Betty. Mabilis na umibis si Emmalyn.
“Maraming salamat!” matigas ang tinig ng dalaga. Walang kangiti-ngiti sa mga labi.
“Emmy!” tawag ni Rando sa dalaga.
Hindi lumingon si Emmalyn. Tuluy-tuloy na pumasok sa gate.
“Huwag kang mag-alala.” pampalubag-loob ni Betty na tinapik pa ang kamay ni Rando. “Ako ang bahala. Mainit lang ang ulo niya. Marahil may nasabi sa kanya si Adrian na hindi niya nagustuhan.”
“Adrian pala ang pangalan ng kontrabidang ‘yon!” nakatiim bagang si Rando. “Ano’ng apelyido?”
Mag-iwan ng mensahe...
