Pilak Na Bughaw – Kabanata 7
May kung anong epekto ang kaisipang ito kay Nevada, umusod siya palayo kay Francis. Halos dikit na dikit na siya sa gilid ng two seater na upuan nila. Lumaki ang espasyo sa kanilang pagitan.
Hindi naman ito napansin ni Francis.
Dahil mula nang unang mag-ring ang kanyang cellphone ay parang hindi na siya napapahinga.
Kung hindi siya ang tinatawagan, siya naman ang tumatawag.
Karamihan ay tungkol sa negosyo. Pero may mga tawag din na galing sa kanyang mga kaibigan. Tumawag si Meldon, ang ka-miyembro niya sa The Zodiac Club, nagtatanong kung tuloy ang biyahe ni Francis sa Europe sa susunod na buwan. Tumawag din si Ian, ang Sagittarius man, nagtatanong tungkol sa bagong biling kotse ni Francis.
Nasahod ng tainga ni Nevada ang lahat, kahit ayaw sana niyang makiusyoso. At lalo lamang siyang nalula sa mundo ni Francis. Sa pamamagitan ng mga taong tumatawag sa cellphone nito at tinatawagan nito ay natiyak niyang lalo na si Francis Legaspi ay hindi nila kauri, kahit kasama pa nila ito sa ganitong lakad.
Hindi maintindihan ni Nevada kung bakit parang masakit iyong isipin. Kung bakit kailangan niyang maramdaman na may kumukurot sa kanyang puso.
Very apologetic si Francis na tumingin kay Nevada. Pagod na siya sa mga calls at nahihiya na sa kanyang katabi na kailangang maistorbo rin sa ingay niya habang nakikipag-usap.
Naipasiya ni Francis na i-off na lang muna ang kanyang cellphone.
“I’m sorry, ha? Nabulabog din kita, ano?
Maingay din naman ang pakikipag-usap ko sa phone kahit pinipilit kong hinaan ang boses. Hindi ka tuloy makatulog kahit gusto mo.” Ngumiti si Francis.
Matamlay na sumagot si Nevada. “Dapat siguro ay inasahan ko na ang ganito. Don’t worry, hindi rin naman talaga ako makakatulog kahit hindi ka mag-cellphone dahil kailangang hindi ko tulugan ang mga batang ito.”
“I turned off my phone,” ipinaalam ni Francis, mababa pa rin ang boses.
“I know. Kahit naman wala akong cellphone, alam ko naman kung pinatay mo ba o binuhay, just by looking.” Mapaklang ngumiti si Nevada.
Kumunot ang noo ni Francis. Kanina, maganda na ang mood nila ni Nevada sa isa’t isa. Bakit ngayon, indifferent na naman ito? May sumpong na naman ba?
Mag-iwan ng mensahe...
